Patuloy ang tagumpay ng ABS-CBN sa ibang bansa dahil sasabak na sa primetime TV sa Turkey ang adaptation ng “Hanggang Saan,” nina Sylvia Sanchez at Arjo Atayde, ang “A Mother’s Guilt,” tampok ang ilang kilalang artista sa nasabing bansa.
Ito ang kauna-unahang Pinoy TV series na nagkaroon ng adaptation sa Turkey. Ipapalabas ito sa kilalang TV channel na Kanal D tuwing Sabado simula Nobyembre 21.
Kasama ng ABS-CBN ang isa sa mga nangungunang production company sa Turkey, ang Limon Yapim, sa pag-prodyus ng “A Mother’s Guilt.”
Para kay Macie Imperial, na head ng ABS-CBN International Distribution, isang karangalan hindi lamang para sa ABS-CBN ang “A Mother’s Guilt” kundi pati na rin sa Pilipinas dahil ito ang first original Philippine series na naging palabas sa Turkey.
Nitong taon lang, labing-anim sa mga serye nito ang nagsimulang ipalabas sa Africa, Asia, at Latin America.
Sa mga nagdaang taon, nakapagdala na ang ABS-CBN ng mga programa nito sa 50 bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng ABS-CBN International Distribution.
Para sa updates, sundan @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o magpunta sa www.abscbnpr.com.