Patuloy ang ginagawang serbisyo publiko ng Wowowin host na si Willie Revillame para sa mga kababayan natin sa Catanduanes na nasalanta ng bagyong Rolly.
Nitong Lunes (November 16) at Martes (November 17), ipinasilip ni Willie ang kanyang ginawang relief efforts para sa mga residente ng Catanduanes. Ayon kay Willie, ito ang kanyang tugon matapos mapanood ang panawagan ng isang lola para makatanggap ng ayuda.
Ani Willie, “Si nanay napanood ko sa 24 Oras. Sabi ko hindi naman pupuwedeng matutulog lang ako nang may makikiusap na tulungan kayo.”
Mismong si Willie ang nagpalipad ng kanyang helicopter nang siya ay bumiyahe patungong Catanduanes noong November 8 kasama ang dalawa pang helicopters na dala ang kanyang mga donasyon tulad ng jackets, gamot, banig, at kumot.
Bukod pa sa mga ito, nagpaabot din siya ng financial assistance na nagkakahalaga ng Php 5 million.