Muling nagsama-sama ang hosts at ex-housemates ng “Pinoy Big Brother” sa pangunguna nila Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, at Robi Domingo kasama ng dating Big Winners na sina Nene Tamayo, Kim Chiu, Melai Cantiveros, at Maymay Entrata upang tanggapin ang hamon ni Kuya na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly.
Isang virtual reunion ang “PBB Kumunect sa Pagtulong,” isang espesyal na livestream event sa Kumu, kung saan nagkwento, nagtanghal, at nanawagan ang ex-housemates sa publiko na magmalasakit sa kapwa.
Ayon sa Season 1 Big Winner na si Nene, kailangang ‘dapat laging bukas ang puso at mga palad na tumulong sa mga kababayan.’
“Importante na palagi tayong maging parte ng solusyon at maging dahilan tayo na maniwala ang mga tao na meron pang kabutihan sa mundo,” ani Nene.
Ipinaalala naman nina Kim, Melai, Maymay, Bianca, at Robi na mahalaga ang pagdarasal para malagpasan ang mga hamon ng buhay.
Samantala, ang tubong Albay na si Barbie Imperial ng programang “Bagong Umaga,” umapila sa viewers na magbahagi ng tulong para unti-unting makapagsimula ang kanyang mga kababayan.
Aniya, wala siyang balita sa kanyang naiwang mga kamag-anak sa Bicol sa loob ng tatlong araw dahil sa kawalan ng signal.
Pinagdasal naman ni “PBB Connect” host Toni Gonzaga ang lahat ng nasalanta na sanay ay makabangon sila sa matinding unos.
Bumuhos din ang mga mensahe ng pag-asa at tulong pinansyal mula sa iba pang ex-housemates na ipapaabot nila sa ABS-CBN Foundation. May iba namang ex-housemates na naghatid ng saya at inspirasyon sa kanilang song and dance numbers. May Kumuzens din na nagbahagi ng mga mensahe para lumakas ang loob ng mga apektado ng bagyo na makaahon sa buhay.
Sinimulan na ng ABS-CBN at ng Kumu ang pagbibigay pag-asa at pagpapatibay koneksyon ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng “PBB Kumunect sa Pagtulong,” kung saan naging host si Bianca Gonzalez kasama sina Sky Quizon at Kiara Takahashi.
Subaybayan ang mga paparating na ganap sa loob ng bahay ni Kuya sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng “PBB.”
Para sa updates, bumisita lang sa https://app.kumu.ph/PBBabscbn, i-follow ang “PBB” sa Facebook (PBBABSCBNTV), Twitter (PBBABSCBN), at Instagram (PBBABSCBNTV), at mag-subscribe sa YouTube (Pinoy Big Brother). Para sa iba pang balita, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.