Tuluy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng GMA Kapuso Foundation (GMAKF) sa mga kababayan nating nangangailangan. Hindi pa man natatapos ang kanilang ‘Operation Bayanihan’ relief operations para sa mga nasalanta ng magkakasunod na Bagyong Rolly, Siony, at Tonyo, heto at ongoing na rin ang pagtulong nila sa mga biktima ng Bagyong Ulysses.
Walang tigil ang pagkilos ng GMAKF para makapagdala ng agarang tulong at donasyon para sa mga na-evacuate sa iba’t ibang parte ng Metro Manila, mga karatig probinsya nito, at iba pang lugar sa Luzon.
Kasabay ng Operation Bayanihan kung saan naghahatid sila ng mga pagkain, damit, mahihigaan, at hygiene kits, isinagawa rin nila ngayon (Nov. 12) ang Kapuso Soup Kitchen para sa isang libong residente sa Barangay Tatalon, Quezon City na nag-evacuate sa isang public elementary school malapit doon.
Ayon sa Foundation, agad din nilang pupuntahan ang iba pang mga lugar na apektado pagkahupa ng baha sa mga daan.