Hindi pa man nakakabangon ang ilan sa mga lugar na tinamaan ng super typhoon na si Rolly, heto at inaasahan na namang maaapektuhan ang mga ito ng bagyong Ulysses.
Kaya naman ang buong puwersa ng GMA Network, nakatutok na ulit sa paghahatid ng balita tungkol dito — mapa telebisyon, radio, o online. Naka-deploy na ang mga Kapuso reporter at stringer sa mga lugar kung saan inaasahang dadaan ang bagyo tulad ng Bicol Region, Bataan, at Metro Manila.
Ngayong Huwebes (November 12) sa GMA-7, bukod sa “Unang Balita” sa “Unang Hirit,” mapapanood ang regular news bulletins at situationer sa mga lugar na dadaanan ng bagyo. Pagdating sa gabi, naririyan ang maaasahang Kapuso primetime newscast na “24 Oras” at ang late night newscast na “Saksi.”
Ipalalabas naman sa GMA News TV ang live at full airing ng briefing ng PAGASA at iba pang government agencies ukol sa Bagyong Ulysses, bukod pa sa news programs nito na “Dobol B sa News TV,” “Balitanghali,” “Quick Response Team (QRT),” simulcast ng “24 Oras,” at ang “State of the Nation (SONA) with Jessica Soho.” Buong araw, may news bulletins ding mapapanood sa GMA News TV.
Updated din sa Bagyong Ulysses ang mga tagapakinig ng Super Radyo DZBB 594khz na may 24-hour coverage sa bagyo. Nationwide din itong mapakikinggan sa pamamagitan ng RGMA stations.
Ihahatid din ng GMA Regional TV (RTV) ang mga ulat sa Bagyong Ulysses sa iba’t ibang panig ng bansa sa pamamagitan ng local newscasts nito sa North Central Luzon; Bicol Region; Central and Eastern Visayas; Western Visayas; at Northern, Central, and Southern Mindanao.
Ang mga netizen ay maaari namang tumutok sa round-the-clock updates ng GMA News Online at ng official social media accounts ng GMA News and Public Affairs, Super Radyo DZBB, GMA RTV, at ng disaster and emergency preparedness portal ng GMA Network na IMReady.