Ganda at pag-ibig ang gagamiting sandata ni Erich Gonzales para labanan ang mga taong sunod-sunod na trahedya ang idinulot sa buhay niya sa “La Vida Lena,” ang pinakabagong ABS-CBN teleserye na unang mapapanood sa iWant TFC streaming service simula Nobyembre 14.
Hindi nag-umpisang matigas ang puso ni Lena o dati’y Magda (Erich), na lumaking mabait at masipag sa kabila ng pangungutya sa mukha niyang kalahating normal at kalahating parang natutunaw na kandila.
Dahil sa pagiging madiskarte, makakaimbento siya ng sariling produkto na sabon na tatawagin niyang Magda Soap. Dahil malakas ang benta nito sa bayan nila sa Salvacion, aakalain niyang ito na ang mag-aahon sa pamilya niya sa hirap
Ngunit ito pala ang magiging simula ng tuloy-tuloy na kalbaryo niya. Magmula nang tumanggi siyang ibenta ang Magda Soap sa mga Narciso, ang pinakamayamang pamilya sa Salvacion, mauuwi sa kamalasan ang buhay niya – papaibigan, lolokohin, at mabubuntis, mamamatayan ng nag-iisang kapamilya, mapipiit sa bilangguan, at pagtatangkaang patayin.
Sa pangngiti ng kapalaran kay Magda, makakakuha siya ng plastic surgery at magbabagong-anyo bilang si Lena, isang kaakit-akit at kahali-halinang dalaga. Dito magsisimula ang pag-ahon ni Magda bilang ang tuso at walang pusong si Lena, na isa-isang babalikan ang mga taong nang-api sa kanya sa pamamagitan ng kanyang bagong yaman at bagong ganda.
Tatlong lalaki naman ang mabibighani at mapapaibig ni Lena: si Jordan (Carlo Aquino), ang pinakamatalik niyang kaibigan na minamahal siya, si Adrian (JC De Vera), ang anak ng mortal na kaaway ni Lena, at si Miguel (Kit Thompson), ang lalaking naloko at nakabuntis sa kanya,
Makakasama naman nila ang isang powerhouse cast na kinabibilangan nina Janice De Belen, Agot Isidro, Raymond Bagatsing, Sofia Andres, Christian Vasquez, Pen Medina, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Malou Crisologo, Josh Ivan Morales, Hasna Cabral, Danica Ontengco, at Renshi De Guzman.
Isang pangalan lang ang kailangang tandaan sa pagsisimula ng “La Vida Lena,” na mapapanood ng stardard at premium subscribers simula Nobyembre 14 sa iWant TFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWant TFC o mag-e-mail sa [email protected].