Binigyang diin ng hosts ng “It’s Showtime” ang katatagan at diskarte ng mga Pinoy sa pagharap sa mga hamong dala ng pandemya sa kani-kanilang Magpasikat performances para sa ika-11 anibersaryo ng “It’s Showtime” noong Sabado (Oktubre 31).
Parehong saya at tulong ang inihandog ng apat na teams sa madlang people dahil nakatanggap silang lahat ng tig-P100,000 para sa kanilang napiling beneficiaries, na siya ring nagsilbing bida sa kanilang performances. Pinangalanan namang winners ang lahat ng teams para sa taong ito.
Malikhaing ipinakita ng team nina Karylle, Jhong Hilario, at Ion Perez ang sitwasyon at kabuhayan ng mga Pilipinong labis na tinamaan ng pandemya at nagbigay ng puhunan sa isang magbabalut, sorbitero, at jeepney driver.
Battle of the bands naman ang handog ng team nina Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, at Ryan Bang para sa mga musikero at crew na naapektuhan ng kawalan ng live events sa music industry. Ibabahagi naman nila ang kanilang cash prize sa samahan ng music roadies sa bansa na Roadies Club PH.
Inialay naman ng team nina Vhong Navarro, Amy Perez, at Jackie Gonzaga ang performance nila sa mga bayaning guro na hinaharap ang mga pagsubok ng distance learning at mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Naghatid din sila sa mga guro ng tulong at portable media library mula sa Knowledge Channel.
Nagdala naman ng mensahe ng pag-asa sina Vice Ganda at Kim Chiu para sa lahat ng taong nakakaranas ng pagdadalamhati ngayong pandemya at binigyang diin na iba-iba ang paraan ng bawat tao para malampasan ito. Ang beneficiary naman nila ay ang Youth for Mental Health Coalition.
Maging ang mga manonood ay nakatanggap din ng ayuda mula sa show dahil ang bawat team ay namigay ng P11,000 sa mapapalad na madlang people na tumutok sa episode.
Inabangan ng maraming Pilipino ang Magpasikat performances dahil nakakuha ang live episode ng “It’s Showtime” ng higit sa isang milyong views sa Facebook at YouTube, at naging trending topic din sa Twitter sa Pilipinas at worldwide.
Patuloy na panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado ng tanghali sa A2Z channel 11 analog TV, na available sa Metro Manila at mga bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Mapapanood din ito sa ng cable at satellite TV providers sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, GSAT Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), pati na sa Kapamilya Online Live sa YouTube Channel (youtube.com/abscbnentertainment) at Facebook page (fb.com/ABSCBNnetwork) ng ABS-CBN Entertainment o sa iWant TFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito ng viewers sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.
Para sa updates, sundan ang @ItsShowtimena sa Twitter o i-like ang facebook.com/ItsShowtimeNa.