May pagkakataon nang manood ang mga Pinoy ng bagong local movies nang ligtas sa kanilang tahanan saan man sa mundo dahil magsisimula na ang ABS-CBN Films sa paghahatid nito sa digital, cable, at satellite TV.
Mapapanood ang mga bagong pelikula nito sa streaming platform na iWantTFC, digital site na KTX.ph, SKYcable, at Cignal.
“Kahit na very challenging ang pandemya, it pushed us to think out of the box. At habang sarado ang mga sinehan, inisip namin kung paano maaabot ang ating audience sa iba’t ibang paraan,” ani ABS-CBN Films managing director na si Olivia Lamasan.
Aniya, maraming pagpipilian ang audience ngayon kung saan nila gustong manood at sa halagang Php 150, magkakaroon sila ng 48-hour access sa bagong pelikula hatid ng kanilang pipiliing platform.
Tampok ang horror flick na “U-Turn” na pinagbibidahan nina JM de Guzman, Tony Labrusca, at Kim Chiu bilang unang proyekto nito, na opisyal nang ipapalabas sa Biyernes (Oktubre 30).
Ayon kay ABS-CBN Films business development, creative at new media head na si Enrico Santos, hindi na bago ang platforms na nabanggit. “Ang breakthrough ng proyekto ay pwede natin ipagsabay-sabay ang release ng parehong pelikula, isang orihinal, first-run, at never-before-seen Filipino movie,” ani Enrico.
“Subok na ang SKYcable pay-per-view at Cignal pay-per-view. Pwede na ngayon ang international same-day viewing sa iWantTFC. May events at viewing with chat naman sa pinakabagong platform na KTX.ph,” dagdag pa niya.
Tuloy-tuloy na ang ABS-CBN Films na binubuo ng Star Cinema, Cinema One Originals, at Black Sheep sa pagpoprodyus ng pelikula diretso cable, satellite TV, at streaming.
Bukod sa “U-Turn,” itatampok rin sa mga nabanggit na platform ang pelikulang “My Lockdown Romance” nina Joao Constancia at Jameson Blake, “Boyette (Not A Girl, Yet)” na pagbibidahan ni Zaijian Jaranilla, “Four Sisters Before the Wedding” tampok sina Belle Mariano, Charlie Dizon, Gillian Vicencio, at Alexa Ilacad, “Princess Dayareese” na pangungunahan nina Maymay Entrata at Edward Barber, at “Hello Stranger The Movie” kasama sina JC Alcantara at Tony Labrusca.
Ayon kay Direk Olive, nananatiling hopeful ang kompanya sa pagbubukas ng mga sinehan. “It’s just that for now, nandito tayo sa sirkumstanya na ito and we also need to find ways na ilapit at magkonek tayo sa ating mga audience. Lahat po kami ay nananalangin na magbukas ulit ang mga sinehan. Lahat po kami ay nakasuporta sa pagbubukas ng sinehan,” pagbabahagi niya.
Inilunsad din ng ABS-CBN Films ang kauna-unahang digi movie series nito na “The House Arrest Of Us” ngayong buwan. Pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, available ang 13-episode program sa KTX at iWantTFC sa halagang Php 499.
Kamakailan ay ipinalabas rin nito ang phenomenal BL series na “Hello Stranger,” na sumikat hindi lamang dito sa Pilipinas kungdi pati na rin sa iba’t ibang bansa tulad ng United States, Puerto Rico, Belarus, at Thailand. Umani ito ng halos 14 million views.
Buko sa digital series at movies na mapapanood sa iba’t ibang platform, naghatid din ang ABS-CBN ng kakaibang musical experience sa KTX sa “Apollo” digital concert ni Daniel Padilla na ginanap noong Oktubre 11.