Blockbuster hit ang mga programa at artista ng ABS-CBN sa ginanap na 51st Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation dahil kinilala ang Kapamilya network sa iba’t ibang kategorya.
Nanguna ang box office hit na “Hello, Love, Goodbye” sa Kapamilya winners sa pagkapanalo nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ng Phenomenal Stars of Philippine Cinema pati na Film Actress at Film Actor of the Year. Wagi rin si Cathy Garcia-Molina bilang Most Popular Film Director. Nanalo rin siya sa kategoryang Most Popular Screenwriters kasama sina Carmi Raymundo at Rona Go. Tinanghal namang Most Popular Film Producer ang ABS-CBN Film Productions.
Pinarangalan din sina Liza Soberano at Enrique Gil bilang Most Popular Loveteam for Movies at Prince and Princess of Philippine Movies para sa “Alone/Together.”
Hindi rin pahuhuli ang mga programa at personalidad ng ABS-CBN sa TV category. Itinanghal na TV Actor and Actress of the Year (Primetime Drama) sina Coco Martin at Angel Locsin, habang napanalunan din nina JM de Guzman at Dimples Romana ang parehong titulo sa Daytime Drama na kategorya. Nasungkit naman nina Joshua Garcia at Janella Salvador ang titulong Prince at Princess of Philippine Television para sa kanilang pagganap sa “The Killer Bride.”
Nanalo naman ang batikang aktor na si Tirso Cruz III bilang TV Supporting Actor of the Year, habang TV Supporting Actress of the Year naman si Yassi Pressman. Ang iba pang beteranong aktor na kinilala ay sina Christopher de Leon (All-Time Favorite Actor) at Lorna Tolentino (All-Time Favorite Actress).
Samantala, wagi rin ang Gold Squad dahil sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin ang tinanghal na Most Promising Loveteam, at sina Francine Diaz at Kyle Echarri naman ang Most Promising Female and Male Star for Television. Ang child star na si Sophie Reola ng “Nang Ngumiti Ang Langit” ay ginawaran din ng Most Popular Female Child Performer.
Kinilala rin ang mga teleserye ng ABS-CBN tulad ng “The General’s Daughter” (Best Acting Ensemble in a Drama Series), “FPJ’s Ang Probinsyano” (Popular TV Program-Primetime Drama), “Kadenang Ginto” (Popular TV Program-Daytime Drama), “Magandang Buhay” (Popular TV Program-Talent Search/Reality/Talk/Game Show), at “ASAP” (Popular TV Program-Musical Variety/Noontime/Primetime).
Sa larangan naman ng musika, wagi rin ang ABS-CBN artists tulad nina Lea Salonga (Female Concert Performer of the Year), Martin Nievera (Male Concert Performer of the Year), Gary Valenciano (Male Recording Artist of the Year), Regine Velasquez-Alcasid (Female Recording Artist of the Year), Maris Racal (Promising Female Recording Artist of the Year), at Kiana Valenciano (New Female Concert Performer of the Year).
Maging ang mga concert ng mga personalidad na ABS-CBN ang nag-produce ay nanalo rin kabilang na sina Ian Veneracion (New Male Concert Performer of the Year) at Aegis (Group Concert Performer the Year).
Nagtagumpay din ang magkapatid na sina Toni at Alex Gonzaga bilang Female TV Host of the Year at Popular Female Influencer of the Year.
Para sa iba pang balita, i-like at i-follow ang ABS-CBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abs-cbn.com/newsroom.