Balik-taping na ang stars ng GMA Afternoon Prime series na ‘Bilangin ang Bituin sa Langit’ simula ngayong Huwebes (Oktubre 22).
Sa pangunguna ng Superstar na si Nora Aunor, kasama sina Mylene Dizon at Kyline Alcantara, sumabak na ang cast and crew ng serye sa ‘new normal’ ng TV production sa kanilang lock-in taping sa San Mateo, Rizal.
Kapansin-pansin ang maingat at mahigpit na pagsunod ng buong team sa safety protocols gaya ng social distancing at pagsuot ng tamang protective gear. Kahit sa pagre-rehearse ng kanilang mga linya ay nakasuot pa rin ng face mask sina Mylene at Nora.
Maging ang direktor ng serye na si Laurice Guillen ay nakasuot din ng face mask at face shield habang pinapanood ang mga eksena sa likod ng monitor.
Abangan ang pagbabalik-telebisyon ng mga karakter nina Cedes (Nora), Nolie (Mylene) at Maggie (Kyline) sa ‘Bilangin ang Bituin sa Langit’ sa GMA Afternoon Prime.