Ikinuwento ni Betong Sumaya sa GMA Artist Center show na Quiz Beh ang kanyang paraan para masigurong nabibigyan niya ng pansin ang kanyang mental health. Inamin niya na may pagkakataong iniiwasan niya munang manood ng balita.
“May times na ayoko manood muna ng news. Hindi ko sinasabi na hindi importante, napakaimportante ng news. Pero may point minsan na parang naa-alarm ako. Kasi parang nakikita mo parang ‘yung cases nararamdaman mo,” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Betong na malaking tulong ang pagdarasal sa mga oras na nakakaramdam ng lungkot at may mga pagsubok sa buhay.
“‘Yung faith mo talaga kay Lord…. wala tayong ibang makakapitan ngayon kung hindi si Lord talaga ‘di ba, sa dami ng mga nangyayari sa atin.”
Bukod dito, malaki rin ang pasasalamat ng Kapuso comedian sa nagagawang tulong ng technology para makausap ang kanyang pamilya.
Aniya, “Ako po, home alone talaga ako; 7 months na akong home alone dito sa Quezon City. Pero siyempre, I have to make a way na makausap ko ‘yung family ko so very thankful ako na meron tayong Facetime at iba’t ibang ways na makausap sila.”