in

‘Pantawid Ng Pag-Ibig,’ nakapagbigay tulong sa mahigit 910,000 pamilyang apektado ng Quarantine

(QUEZON CITY) Ang Pantawid ng Pag-ibig na proyekto ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation (AFI), sa tulong ng iba’t-ibang donors at partners, ay nakapamahagi na ng P455,185,989 na halaga ng tulong sa mahigit 910,000 pamilya mula nang ito’y inilunsad noong Marso hanggang ika-23 ng Setyembre 2020.

Sa loob ng anim na buwan, ang proyektong ito ay nakapamahagi ng pagkain sa mga Pilipinong labis na naapektuhan ng quarantine sa National Capital Region (NCR) at mga piling lugar sa bansa — Bacolod, Bataan, Batangas, Bulacan, Camarines Sur, Cebu, Davao, Iloilo, Laguna, Negros Occidental, Nueva Ecija, Oriental Mindoro, Pangasinan, Quezon, Rizal, Sorsogon, Tacloban, Pampanga at Zambales.

Sa kabila ng hindi pagkaka-renew ng prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 2020, isinasakatuparan pa rin nito ang pangakong tumulong sa mga nangangailangang Pilipino na nawalan o nahinto sa trabaho dahil sa ipinatupad na community quarantine ng pamahalaan upang makontrol ang COVID-19 na pandemya.

Ang perang nalikom na nagkakahalagang Php347,603,519 ay ipinambili ng mga pagkain tulad ng bigas, gatas, kape, mga de-lata. May kasama ring mga bitamina, sabon at shampoo. Ang iba namang in-kind na donasyon ay nagkakahalagang Php114,111,646. Bahagi rin ng proyektong ay ang pamamahagi ng mga bagong-lutong pagkain para sa mga pamilyang nangangailangan at ating mga frontliners sa mga ospital.

Ang proyektong ito ay nagsimula noong Marso. Nagbigay ang Lopez Group of Companies ng Php100 milyon upang agad na makapaghatid ng tulong. Kabilang sa mga kumpanyang ito ang ABS-CBN Broadcasting Corporation.

Ang Managing Director ng ABS-CBN Foundation na si Susan Afan ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa proyektong ito.

“Maraming salamat sa walang-sawa n’yong pagtitiwala sa ABS-CBN Foundation. Sa kabila ng economic crisis sa Pilipinas at iba pang panig ng mundo, patuloy pa rin kayong tumutulong sa ating mga nangangailangang Kapamilya.”

Noong Agosto, inilunsad ang “Isang Daan, Isang Pamilya” bilang pangalawang bahagi ng proyektong ito. Ito’y naglalayong umapila sa mga indibidwal na donor na tumulong simula sa halagang Php100 upang makapagpakain ng isang pamilya.

Sa tulong na rin ng mga financial technology companies at mga online platforms gaya ng GCash, Paymaya, Grabpay, Lazada at iba pang partners tulad HSBC, Metrobank, Cebuana Lhuillier, Landers at Asian Parent, mas naging madali ang pagkakalap ng donasyon.

“Maswerte ang ilan na mayroon pa ring trabaho at mapagkukunan ng pambili. Pero may mga taong hikahos na hindi man lang alam kung saan kukuha ng pagkain para sa kanilang pamilya,” paliwanag ni Paul Mercado, Marketing Head ng AFI.

“Mayroon pa rin tayong pwedeng solusyon sa ating problema. Kung ang bawat isa ay makapag-ambag ng Php100, makakapamigay tayo ng pagkain sa mas maraming mga apektadong pamilya.”

Pandaigdigang Parangal

Pinarangalan ng international community ang ABS-CBN dahil sa iba’t-ibang mga pamamaraan nito ng pagtulong sa mga Pilipino sa panahon ng pandemya.

Nagwagi ito ng Silver Stevie® Award para sa Most Valuable Corporate Response sa 17th International Business Awards® (IBA). Magkakaroon ito ng virtual awarding sa darating na Disyembre.

Ang IBA ay kilala bilang isa sa pinakarespetadong business awards na nagbigay-pugay sa mga kumpanya sa iba’t-ibang sulok ng mundo na may kapuri-puring programa sa pagkakawanggawa. Ngayong taon, mahigit 3,800 ang mga nominado mula sa 63 bansa.

Paano Makatutulong sa Pantawid ng Pag-ibig

Habang ang buong mundo ay nakaantabay ng bakuna o gamot sa COVID-19, wala ring kaityakan kung kailan makakabangon ang ekonomiya ng bansa. “Patuloy ang proyektong Pantawid ng Pag-ibig hangga’t may mga Kapamilyang nangangailangan ng tulong at may mga taong naniniwala at sumusuporta sa ating mga adhikain,” pagbabahagi ni Afan.

Sa mga gusting sumuporta sa Pantawid ng Pag-ibig, maaaring magdeposito sa mga sumusunod na bank accounts ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc – Sagip Kapamilya: BPI Peso Account 3051-11-55-88, Metrobank Peso Account 636-3-636-08808-1, Security Bank Peso Account 000003312430-0, BDO Peso Account 0039301-14199, at BDO Dollar Account 1039300-81622.

Maaari ring mag-donate sa pamamagitan ng ABS-CBN Foundation website, Cebuana Lhuillier, PayPal, Pass it Forward, GCash, Lazada, at HSBC.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.pantawidngpagibig.com.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Iza Calzado, makukumpirmang anak ni Sam Milby si Baby Jacob sa ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’

‘Prima Donnas’ stars, nagsimula na ang lock-in taping