Hindi lang daw tungkol sa pag-iibigan sa panahon ng pandemya ang bagong seryeng ‘I Can See You: Love On The Balcony’ na pinagbibidahan nina Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith.
Kuwento ni Jasmine na gumaganap bilang nurse na si Lea Carbonel, nagbibigay-kaalaman din daw ito sa buhay at pagsubok na kinakaharap ng ating medical frontliners.
Makikilala niya ang karakter ni Alden na si Gio, isang wedding videographer, at uusbong ang pag-iibigan sa pagitan ng dalawa.
“What makes Lea, my character, interesting I think for the audience is the insight sa pamumuhay ng frontliners ngayon. Kung paano nila tinatanggap ‘yung, I guess, pambabatikos dahil may discrimination din because they are exposed to the setting of the hospital.”
Ang ‘Love On The Balcony’ ang unang story mula sa apat na mini-series ng drama anthology na ‘I Can See You’ kung saan kasama nina Alden at Jasmine sina Pancho Magno, Denise Barbacena, at Shyr Valdez.
Mapapanood ang ‘Love On The Balcony’ hanggang October 2, pagkatapos ng Encantadia, sa GMA Telebabad.