Kinilala sa ibayong dagat ang mabilis at may malasakit na pag-akyson ng ABS-CBN upang matulungan ang mga Pilipino sa panahon ng pandemya sa kabila ng mga hinaharap nitong hamon kaugnay sa prangkisa.
Nagwagi ng Silver Stevie® award para sa Most Valuable Corporate Response ang Kapamilya network sa 17th International Business Awards® (IBA), na magdaraos ng isang virtual ceremony sa Disyembre.
Pinuri ang ABS-CBN ng mga judge sa IBA dahil sa iba-iba nitong atake para mapaglingkuran ang Pilipino sa panahon ng krisis dulot ng COVID-19. Sabi ng isa, kahanga-hanga ang dedikasyon ng kumpanya sa komunidad. Dagdag pa ng isang judge, nakamamangha na nakatutulong pa ang network sa nangangailangan habang patuloy din itong nagbibigay ng trabaho at naghahatid ng balita sa publiko.
Bukod sa balita, hinandugan rin ng ABS-CBN ang mga 70 milyong manonood nito ng mga mga programang puno ng inspirasyon sa iba’t ibang media platforms. Tinulungan din nito ang gobyerno ipaliwanag sa madla ang COVID-19 sa pamamagitan ng Ligtas Pilipinas sa COVID-19 information campaign.
Malaki rin ang naiambag ng Pantawid ng Pag-Ibig ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation, kung saan ang network ang nagbigay ng unang donasyon na P50 milyon. Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, umabot na sa mahigit P448 milyong salapi at produkto ang nalikom ng Pantawid noong Agosto 14, habang lampas sa 880,000 pamilya naman ang nagbenepisyo dito. Bahagi ng proyekto ang isinagawang digital concert tampok ang mahigit 100 celebrities mula sa ABS-CBN na humamig ng 3.7 milyong views sa iba-ibang digital platforms.
Binigyang puri rin ang ginawang pangangalaga ng network sa mga manggagawa at artista nito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng safety protocols at work-from-home schemes, at patuloy na pagpapasweldo at pagbibigay ng mga benepisyo habang naka-quarantine.
Ang IBA o Stevie Awards ay itinuturing na pinaka-prestihiyosong business awards sa mundo na kumikilala sa tagumpay at kontribusyon ng mga kumpanya sa buong mundo. Noong 2014, ginawaran din ang ABS-CBN ng People’s Choice Stevie Award for Favorite Company at Gold Stevie Award Company of the Year sa Media & Entertainment category ng IBA, at maging Grand Stevie Award at Gold Stevie Award sa Services Company of the Year category sa Asia Pacific Stevie Awards.
Para sa iba pang balita at update, i-like ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.