Sa patuloy na pagharap ng mga Pilipino sa pandemya, kailangan nila ng impormasyon para makapag-desisyon sa mga mahahalagang bagay sa kanilang buhay sa araw-araw.
Makakatulong nila rito ang bagong public service app na Sharea, na sasalansan sa mga datos at ilalapit din sila sa kanilang komunidad.
Mula sa pinagsamang salitang share at area ang Sharea app na nakapaghahatid ng mahahalagang impormasyon tulad ng mga anunsyo ng gobyerno, bakanteng trabaho, at mga aktibidad na na partikular sa pipiliing lugar o lokasyon ng gagamit nito.
Ibig sabihin, ang makikitang impormasyon ng gagamit nito ay para mismo sa kanyang kinabibilangang barangay o lungsod. Malaking tulong ito lalo na ngayong community quarantine para manatiling updated sa ganap sa komunidad maski hindi lumalabas ng bahay.
“Digital bayanihan” ang konsepto sa likod ng Sharea kung saan makatutulong ang bawat Pilipino sa isa’t isa na makadiskarte at magdesisyon sa araw-araw sa pamamagitan ng palitan ng impormasyon, lalo na ngayong may pandemya. Dito makikita ang mga impormasyon na mahalaga sa bawat pamayanan na maaaring hindi na umabot sa balita tulad ng mga raket, water o power interruptions, listahan ng bayad centers, listahan ng clinics na nagbibigay ng bakuna, at marami pang iba sa mismong mga barangay o lungsod.
Para makatulong palakasin at paglapitin ang mga komunidad sa bansa, mayroong tatlong pangunahing feature ang Sharea. Sa Bulletin Board makikita ang mga impormasyon tungkol sa kalusugan, mga ganap, at iba pa. Pero hindi lamang makatatanggap ang gumagamit ng app ng impormasyon. Maaari rin siyang magbahagi ng kanyang sariling nalalaman tulad ng mga magandang bilihan, nakitang aksidente, o anumang payo na makatutulong sa kanyang kapwa sa Community Wall. Pwede rin gamitin ang app para makapagpadala ng mensahe sa isa’t isa. Makasisiguro rin na totoo at lehitimo ang mga impormasyon dito dahil sinisigurado na mapagkakatiwalaan ang pinanggalingan ng mga post kundi galing mismo sa mga opisyal na source para maiwasan ang pagkalat ng pekeng balita at impormasyon.
Sa ngayon, karamihan sa mga impormasyon sa Bulletin Board ng Sharea ay para sa Marikina, Quezon City, at iba pang lungsod sa Metro Manila, ngunit nagsimula na ring bumuo ng komunidad ang maraming user sa kani-kanilang lugar. Sa pagrami ng mga gumagamit nito, umaasa ang Sharea na patatagin pa ang kultura ng pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng mga Pilipino sa buong bansa.
Libre at pwede ng i-download ang Beta version ng Sharea sa Google Playstore sa https://play.google.com/store/apps/details?id=com.abscbn.kapp. Para sa ibang detalye, i-follow at i-like ang Sharea sa Facebook (fb.com/Sharea.ph).