Kahit dalawang taon na mula nang mapanuod sa telebisyon ay patuloy pa ring minamahal ng netizens ang hit musical rom-com series na My Guitar Princess. Kamakailan ay umabot na sa 100,000 subscribers ang official YouTube channel nito.
Matatandaang pinagbidahan ito ni Julie Anne San Jose at umere noong 2018. Kuwento ito ni Celina (Julie Anne) at ang kanyang pangarap na maging successful na singing sensation. Nakasama ni Julie Anne sa GMA Public Affairs-produced series sina Sheryl Cruz, Gil Cuerva, at Kiko Estrada.
Tinutukan ng viewers ang nasabing serye hindi lang dahil sa cast at sa kuwento nito kundi pati na rin sa original music na tampok bawat linggo. Ilan sa mga ito ang “Walang Kapalit”, “Is it Love?”, at “Maghintay”.
Sa official YouTube channel ng My Guitar Princess mapapanuod ang mga kilig episode, mga awiting tampok sa serye, pati na ang mga exclusive video, behind the scenes, at song covers. At dahil may 100,000 subscribers na ito, makakatanggap na ang My Guitar Princess ng Silver Play Button award mula sa YouTube.