Mapapanood na ng mga Pilipino sa buong mundo ang mga bagong pagsubok na susuungin ni Cardo sa “FPJ’s Ang Probinsyano” dahil ipapalabas na rin ang bago nitong episodes simula ngayong Lunes (Agosto 31) sa cable at satellite TV at sa iba’t ibang online platforms ng ABS-CBN.
Sa patuloy na pagtatago niya mula sa mga awtoridad, haharapin na ni Cardo (Coco Martin) ang pinakamalaking dagok sa pagsasama nila ni Alyana (Yassi Pressman) – ang kababata nitong si Lito (Richard Gutierrez).
Sa bagong episodes, magsisimula nang matrabaho sina Cardo at ang Task Force Aguila sa mansyon at rancho na pagmamay-ari ni Lito. Magsisipag naman ang mga ito para masuklian ang kabutihan ni Lito na siyang nag-alok ng tulong at kabuhayan sa kanila.
Dito naman ilalatag ni Lito ang susunod niyang patibong sa mag-asawa dahil aalukin niya si Alyana na magtrabaho bilang executive assistant upang muling mapalapit dito.
Kasinungalingan naman ang susubuking malusutan nina Lily (Lorna Tolentino) at Arturo (Tirso Cruz III) dahil isasalang na nila ang impostor na si Mariano sa isang press conference para magpanggap na si Presidente Hidalgo. Hangga’t may pangulong naipapakita sa publiko, hawak ni Lily ang kapangyarihan sa bansa para maisagawa ang plano niyang magpayaman.
Mapapanood ang bagong episodes ng “FPJ’s Ang Probinsyano” mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa CineMo at sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).
Para naman sa mga gustong manood online, libre itong masusubaybayan sa parehong timeslot sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
Simula naman Setyembre 1, mapapanood na ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa bagong streaming service na iWant TFC. Isa sa mga ihahandog nitong serbisyo ay ang pagpapalabas ng bagong episodes ng mga Kapamilya teleserye 48 oras bago sila umere sa kahit anong ABS-CBN platform or channel. Kailangan lamang gumawa ng bagong account ng lahat ng kasalukuyang users ng iWant sa Pilipinas sa iwanttfc.com o mag-download ng bagong app sa Google Play o App Store at mag-subscribe sa standard o premium subscription plan.
Hindi rin mahuhuli ang mga nasa labas ng Pilipinas dahil bukod sa iWant TFC, mapapanood din nila ang bagong episodes sa TFC sa cable, satellite, at IPTV.
Para makakuha ng updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram.