May hatid na kilig sina Tony Labrusca at JC Alcantara sa duet nila ng kantang “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” mula sa Star Music, matapos ang finale ng hit na Pinoy boys’ love (BL) series na “Hello Stranger” na pinagbidahan ng dalawa.
Malaki ang naging bahagi ng kanta sa istorya ng digital offering mula sa Black Sheep, lalo na kapag tumutugtog ito sa mga nakakatunaw na eksena nina Xavier (Tony) at Mico (JC).
Para sa mga XavMi fans na hindi maka-move on sa finale scene kung saan kinantahan ni Xav ng “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” si Mico, inawit din ni Tony ang solong bersyon ng kanta na tumatalakay sa kahalagahan ng tiwala sa isang relasyon.
Samantala, dinumog ng fans mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang in-studio version ng kanta na in-upload sa YouTube at pinuri ang chemistry nina Tony at JC pati na ang magaang rendisyon nila sa kanta.
“Suddenly feeling emotional hearing this song from the cast of ‘Hello Stranger.’ Love from Malaysia,” ani Ida Aziz.
“I died because of the tenderness of the two of them singing beautifully, TonyJC greeting from Ecuador,” sabi ni Analía Boats.
“Big love for JC and Tony from Thailand! Best chemistry ever, I can feel it from my BL heart,” komento ni Bobboe Bobber.
Ang “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” ay orihinal na kanta ng bandang Unit 406 at isinulat ng lead vocalist nito na si Gabriel Tagadtad. Ang rendisyon ni Seth Fedelin ng kanta ay ginamit din sa “Hello Stranger.”