Sa Agosto 28 na ang huling paghahatid ng balita ng 12 na lokal na TV Patrol na pinagkakatiwalaan at pinagkukunan ng balita at impormasyon ng mga Pilipino sa iba’t ibang probinsya sa bansa.
Ito ang pinakabagong serbisyong mawawala matapos tanggihan ng Kongreso na bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN noong Hulyo 10. Dahil dito, apektado rin ang ABS-CBN Regional sa pagbibigay nito ng serbisyo publiko.
Mawawala na ang TV Patrol North Luzon (Baguio, Dagupan, Ilocos, Isabela and Pampanga), TV Patrol Bicol (Naga, Legazpi), TV Patrol Palawan, TV Patrol Southern Tagalog (CALABARZON), TV Patrol Central Visayas (Cebu, Dumaguete, Bohol), TV Patrol Negros (Negros Occidental, Negros Oriental), TV Patrol Panay (Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras), TV Patrol Eastern Visayas (Samar, Leyte), TV Patrol Northern Mindanao (Misamis Oriental, Misamis Occidental Lanao Del Norte, CARAGA, Dipolog), TV Patrol South Central Mindanao (SOCSKSARGEN, Cotabato), TV Patrol Southern Mindanao (Davao), at TV Patrol Chavacano (Zamboanga) na napapanood noon sa 21 regional stations ng ABS-CBN.
Maging ang siyam na pang-umagang programa ng ABS-CBN Regional, na nagbibigay ng balita, impormasyon, at libangan sa mga lokal na manonood, ay apektado rin.
Ayon kay ABS-CBN Regional head Tata Sy, hindi lang pagkukuhanan ng balita ang nawala sa mga Pilipino, kundi isang masugid na tagapaglingkod lalo na sa panahon ng sakuna.
“Abot sa mga liblib na lugar ang pagbibigay serbisyo ng ABS-CBN Regional, pati ang mga lugar na tanging broadcast ng ABS-CBN lamang ang naaabot. Bukod sa paghahatid ng balita, ang ABS-CBN Regional news teams din ang nauuna sa paghatid ng tulong sa mga komunidad tuwing tinatamaan ng kalamidad,” aniya.
Bukod sa pag-aabot ng ayuda, marami pang programang public service ang ABS-CBN Regional na tumutugon sa pangangailangan sa kalusugan, edukasyon, kalikasan, at kabuhayan ng mamamayan sa buong taon, tulad na lang ng “Grand Halad sa Kapamilya.”
Paliwanag ni Sy, misyon talaga ng ABS CBN Regional ang magbigay ng makabuluhang serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng pag-uugnay sa nangangailangan at nais tumulong, at sa pagbibigay-alam sa mga ahensya ng gobyerno sa mga problema at isyu para sa kanilang agarang aksyon.
Dagdag pa niya na inspirasyon nila rito ang layunin ni Kapitan Geny Lopez na pagbuklurin ng ABS-CBN ang buong bansa sa himpapawid.
Bagamat ipinatigil ng National Telecommunications Commission ang broadcast operations ng ABS-CBN noong Mayo 5 ay patuloy ang pagbabalita ng TV Patrol Regional sa pamamagitan ng YouTube channel at Facebook pages nito.
Mapapanood ang huling mga newscast ng “TV Patrol” at morning shows ng ABS-CBN Regional hanggang Agosto 28.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abscbnpr.com.