Painit nang painit ang mga harapan nina Kim Chiu, Yam Concepcion, Eula Valdes, Sunshine Cruz, at Ruffa Gutierrez sa tumitindi nilang agawan para sa pag-ibig, hustisya, at kayamanan sa mga huling linggo ng “Love Thy Woman” na napapanood sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live.
Unting-unti nang lumalabas ang mga sikreto sa likod ng pagkamatay ni Adam (Christopher de Leon) at pagkawala ng last will and testament niya kung saan nakasaad na kay Jia (Kim) mapupunta ang pinakamalaking bahagi ng pag-aari niya.
Kaya naman sa kabila ng pang-aapi sa kanya, aangkinin na ni Jia ang nararapat na sa kanya bilang tagapagmana ng Dragon Empire. Hindi naman basta-basta magpapatalo si Dana (Yam), na walang balak umalis sa kanyang pwesto at pipiliting maibalik sa kanya si David (Xian Lim).
Itatago naman ni Lucy (Eula) ang katotohanan at ibebenta ang Dragon Empire upang maisalba ang kanyang yaman, ngunit haharangin naman ito ni Kai (Sunshine) para ipaglaan ang kanyang anak.
Lingid sa kanilang kaalaman, kontrolado ni Amanda (Ruffa) ang lahat dahil tinatago niya ang totoong kopya ng huling testamento ni Adam para magamit ito sa pansarili niyang interes.
Makukuha pa kaya ng pamilya ang hustisya sa pagkamatay ni Adam? Sino sa limang babae ang may tunay na karapatan sa kayamanan ni Adam? May pag-asa pa nga ba para sa kapatawaran sa pagitan nila?
Sa ilalim ng direksyon nina Jerry Lopez Sineneng, Andoy Ranay, at Jojo Saguin ang “Love Thy Woman,” na isa sa tatlong ABS-CBN dramas na nagpatuloy ang produksyon nang may striktong safety protocols matapos ang pagluwag ng community quarantine, kasama na ang “FPJ’s Ang Probinsyano” at “A Soldier’s Heart.”
Nagbigay-daan din ang serye para sa isang digital talk show na “Love Thy Chika” sa OKS o oks.abs-cbn.com at daily live gap show na “Love Thy Chikahan” sa Kapamilya Online Live kung saan makikipagkwentuhan ang ilang miyembro ng “Love Thy Woman” cast tungkol sa bawat episode.
Panoorin kung sino ang “the last woman standing” sa “Love Thy Woman,” Lunes hanggang Biyernes, 2:30 PM, sa Kapamilya Online Live sa Facebook page at YouTube ng ABS-CBN Entertainment, at sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SkyCable channel 8 SD and 167 HD, Cablelink channel 8, GSat Direct TV channel 22, and PCTA-member cable operators)). Mapapanood naman ang livestreaming ng Kapamilya Channel at mapapanood ang mga programa nito sa iWant app at sa iwant.ph. Para sa updates, i-like ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, and Instagram.