Tutulungang ibalik ng “Iba ‘Yan” ang kulay at kislap ng buhay ng drag queens na apektado ang kabuhayan dahil sa quaratine sa handog nitong online benefit concert na mapapanood sa ABS-CBN Entertainment at “Iba ‘Yan” Facebook page ngayong Linggo (Agosto 2), 7PM.
Pinamagatang “Kinang,” mapapanood sa naturang concert ang iba’t-ibang performances ng drag queens na magpapakitang gilas gamit ang kanilang talento. Naglalayon ang concert na makalikom ng donasyon bilang tulong sa pang-araw-araw na pamumuhay ng LGBTQ entertainers na ngayon ay walang kinikita dahil sa patuloy na ipinapatupad na quarantine.
Sa mga nais mag-abot ng tulong, maaaring mag-deposit sa ABS-CBN Foundation Lingkod Kapamilya, Inc. BDO savings account 005630050932 (Mother Ignacia branch).
Kasama ang komedyanteng si Negi, matutunghayan sa palabas ang drag queens na sina Aries Night, Zsashing, Racing Chat, JCourse, Cherry Pie, at Marina Summers.
Pero bago ang concert, bibida muna sila sa episode ng “Iba ‘Yan” kung saan makakasama nila si Angel Locsin upang ibahagi ang estado ng kanilang buhay at kung paano nila ginagawan ng paraan kumita sa gitna ng pandemya.
Mula noong Hunyo, iba’t-ibang lugar na ang sinuyod ni Angel upang maghandog ng tulong sa mga Pilipinong lubos na naapektuhan ng pandemya. Ilan nga sa mga nakakaantig na kwento na natunghyan na ay ang senior citizens na sina Tatay Jimmy at Nanay Emily na tinulungang makauwi sa probinsya, pinaayos ang bahay, at binigyan ng sari-sari store para magkaroon ng pagkakakitaan; ang jeepney drivers ng Balintawak na binigyan ng relief packages, libreng medical checkups, at libreng pinagawan ng mga harang ang loob ng jeep na pasok sa standards ng LTFRB; at ang sapatero na si Mang Rey na pinagkalooban ng sariling pwesto at mga bagong kagamitan para sa kanyang pag-aayos ng sapatos.
Simula ngayong Agosto, sabay na mapapanood ang “Iba ‘Yan” sa kalulunsad lang na Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube at Kapamilya Channel tuwing Linggo, 6:15PM.
Para patuloy na maging updated sa mga nakakaantig na kwentong hating ng “Iba ‘Yan,” pumunta lamang sa Facebook (fb.com/IbaYanPH), Twitter (@IbaYanPH), at Instagram (@IbaYanPH).