Magbabago na ang mundo ng panonood ng Kapamilya shows sa paglulunsad ng ABS-CBN ng Kapamilya Online Live para mapanood ang mga paboritong programa nito sa YouTube at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment simula ngayong Sabado (Agosto 1).
Bukod sa libre at walang subscription fee na kailangang bayaran, mae-enjoy din ang panonood sa Kapamilya Online Live dahil parehong classic Kapamilya shows at bagong episodes ng mga palabas ang ipapalabas nito. Makakahabol din ang mga nananabik ng pinakahuling episodes dahil gagawing available ang mga ito sa susunod na 24 oras pagkatapos nilang ipalabas nang live.
Sa YouTube, tuloy-tuloy ang panonood sa Kapamilya Online Live simula 7:40 AM hanggang 10 PM. Sa Facebook, may regular na timeslot ang lahat ng programa at may break sa pagitan ng timeblocks. Ekslusibo namang mapapanood ang parehong livestreaming sa Pilipinas.
“Ang Kapamilya Online Live ang pinakabagong tahanan ng mga palabas na na-miss at minahal ng mga Pilipino. Isa lamang ito sa mga paraang ginawa ng ABS-CBN para patuloy na makasama ang mga Pilipino at makapaghatid ng entertainment sa kabila ng pagtanggi sa application ng aming prangkisa,” sabi ni Cory Vidanes, chief operating officer of broadcast ng ABS-CBN.
Mula Lunes hanggang Biyernes, simulan ang araw kasama ang “Magandang Buhay,” “Magpahanggang Wakas,” at “MMK.” Pagdating ng tanghalian hanggang hapon, masusubaybayan ang “It’s Showtime,” “Love Thy Woman,” at “The General’s Daughter.”
Ipapalabas naman sa unang tatlong linggo ng Kapamilya Online Live ang episodes ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na umere sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV bago ang bagong episodes sa ikaapat na linggo. Mapapanood din sa gabi ang “100 Days to Heaven,” “Forevermore,” “Los Bastardos,” at “A Soldier’s Heart.”
Tuwing Sabado, buong umagang mapapanood ang “Halik” na susundan ng “It’s Showtime,” “Wansapanataym Presents” at “I Feel U” sa hapon, at “Paano Kita Mapasasalamatan” at “It’s Showtime sa Primetime” naman sa gabi.
Pagdating ng Linggo, bubuksan ng “Pangako Sa ‘Yo” ang araw kasunod ang “ASAP Natin ‘To” at “Ipaglaban Mo” sa morning block, at “Iba ‘Yan” at “Be Careful With My Heart” sa primetime.
Sa oras naman ng “TV Patrol” at “The World Tonight,” ihahatid ang mga manonood mula Kapamilya Online Live patungo sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN News.
Tiyak na mae-enjoy ng lahat ng miyembro ng pamilya ang panonood sa Kapamilya Online Live dahil sa saktong timpla nito ng classic Kapamilya shows at livestreaming ng mga palabas na kasalukuyang umeere.
Tumuloy na sa bagong tahanan ng ABS-CBN shows na Kapamilya Live Online at mag-subscribe na sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel (www.youtube.com/abscbnentertainment) at Facebook page (www.facebook.com/ABSCBNnetwork). Para makakuha ng updates at makita ang schedule ng mga programa, pumunta lang sa kapamilyaonlinelive.com.