Game na game na ipinasilip ni Rocco Nacino sa kanyang fans ang pinagagawang bagong bahay.
Sa panayam ng 24 Oras, ipinakita ng Kapuso actor ang estado ng construction ng kanyang dream house. Ilan sa mga ipinakita niya ay ang dining room, family hall, office, at iba pang parte ng bahay.
Ngayon ay tuluy-tuloy na rin ang construction ng kanyang bahay kung saan tumutulong na rin siya sa ilang mga gawain matapos pansamantala umanong natigil ang pagpapagawa nito dahil sa community quarantine.
Ikinuwento rin ni Rocco na nag-overnight na siya sa kanyang bahay. Gamit niyang kama ay ang dinadala umano niya sa taping ng Descendants of the Sun PH. Aniya, “Dito ako natulog for the first time kagabi. Masaya, natakot ako pero ano ‘yun masaya, magandang experience.”
May natutunan din siyang “adulting” lesson sa pagpapagawa ng bahay. “Nagbago ‘yung pananaw ko sa pera. Kung gaano kahalaga yung pag-iipon, pagtitipid, siyempre hindi pagiging kuripot pero ‘yung tamang pagtitipid,” pagbabahagi niya.