Ang ganda ng pagkakagawa ng The Atom Araullo Specials episode nitong Linggo na “COVID19: Nang Tumigil ang Mundo.”
Naging top trending topic pa nga sa Twitter ang #NangTumigilAngMundo. Pinuri ng netizens ang nasabing dokyu ni Atom Araullo tungkol sa iba’t ibang mukha ng COVID-19 at kung papaano nitong naaapektuhan nang husto ang buhay ng mga Pinoy lalo na ang mga mahihirap at frontliners.
Nailahad daw nang maayos ng Kapuso journalist ang “mukha” ng pandemic na hanggang ngayon ay kinakaharap pa rin ng buong mundo. Hindi rin napigilan ng viewers na madala ng kanilang emosyon dahil na rin sa napanuod. Talaga nga raw “eye-opener” ang episode na ito ng The Atom Araullo Specials.
Balita namin, simula pa lang ng pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila ay sinimulan na ng programa ang paggawa ng nasabing episode.
Nakabibilib na nagawa nilang matapos ito at maipalabas nang ganito pa ang sitwasyon natin. Hindi ito biro lalo na’t batid nating lahat na napaka-delikado pa rin ngayon. Kudos, Atom at The Atom Araullo Specials team!