Habang tigil muna sa taping ang kanyang pinagbibidahang GMA series na Bilangin Ang Bituin Sa Langit dahil sa banta ng COVID-19, pag-arte pa rin ang pinagkakaabalahan ng Superstar na si Nora Aunor ngayong naka-quarantine sa kanyang tahanan.
Sa kanyang ika-67th na birthday kahapon, inihandog ni Ate Guy ang kwento ng isang lolang frontliner na kinakausap ang kanyang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng serye ng videos sa online monologue na ‘Lola Doc.’
Pag-amin pa ng Superstar ay kakaiba raw ang umarte na hindi tao kung hindi screen ang iyong kaharap, “Noong ginagawa ko po ito parang gusto ko nang sumuko. Talagang hirap na hirap po ako talaga. Iba po pala talaga ‘yung gumagawa ka ng eksena na wala kang kausap. Para kang loko-loko na kinakausap mo, wala.”
Ang ‘Lola Doc’ ay mapapanood sa Facebook page ng Tanghalang Pilipino bilang parte ng kanilang PangsamanTanghalan o alternative space para magdaos ng mga pagtatanghal habang nasa ilalim ng ECQ ang ilang bahagi ng bansa.
Samantala, napapanood naman ang rerun ng Stairway to Heaven sa timeslot ng Bilangin Ang Bituin sa Langit sa GMA Afternoon Prime.