Masaya ang Kapuso actress na si Pauline Mendoza sa muling pagpapalabas ng well-loved Kapuso series na Kambal, Karibal ngayong panahon ng enhanced community quarantine dahil suspendido ang tapings ng mga teleserye para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
“Nakaka-miss kasi matagal din kaming nagsama-sama sa Kambal, Karibal, almost a year. So nakaka-miss din na nakakatuwa na nakikita ko ulit ‘yung mga characters namin and naaalala ko kung gaano namin pinagtrabahuhan ‘yon. As in, binigyan namin talaga ng buhay ‘yung mga characters sa Kambal, Karibal,” pahayag ni Pauline.
Dagdag pa niya, hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin siya ng hate messages dahil maraming apektado sa kanyang karakter bilang Crisel. Aniya, “Maraming nagdi-DM sa ‘kin sa Instagram, nagagalit pa rin sa ‘kin ‘yung mga tao. Sinasabi nila sa ‘kin, bakit ba lagi kang galit, bakit mo ba inaaway si Crisan, bakit mo inaway si Diego. It means talaga na ‘yung mga viewers natin talagang napamahal sila sa Kambal, Karibal until now. Kahit no’ng pagkatapos ng Kambal, Karibal, maraming nalungkot so ngayon na binalik, sobrang tuwang-tuwa ‘yung mga tao.”
Samantala, abala rin ngayon si Pauline sa pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng COVID-19 pandemic. Kuwento ng Kapuso star, “Alam mo sobrang nakakatuwa kasi kahit ‘yung simple thing o simple effort, talagang sobrang laki na para sa kanila. Yung mga ngiti nila, makikita mo talaga. Ang sarap sa pakiramdam na marinig mo ‘yung salitang ‘maraming salamat.'”