Kasalukuyang nananatili sa Baler ngayon ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro. Sa isang interview, sinabi ni Glaiza na noong naghihigpit na sa Metro Manila ay sinadya nilang magpunta sa Baler dahil akala nila ay malaya silang makakagawa ng iba’t ibang bagay tulad ng pag-surf sa probinsya ngunit hindi nila inakalang maghihigpit na rin doon.
Aniya, “Umalis kami [papunta] dito March 12. Pero noon pagdating namin dito, pagpasok namin ng Aurora province, may checkpoint na kaagad. So I wasn’t expecting that. Apparently, ‘yung province ng Aurora, nag-decide sila to have the quarantine earlier or to implement the quarantine earlier. Pero thankfully, nakapasok kami kasi ‘yun nga meron din kaming property dito. Sinabi namin na taga-dito rin kami. So ayun, napapasok kami kasi hindi na sila nagpapapasok ng tourists, ng mga gusto mag-travel lang.”
Dagdag na kuwento ng ‘Encantadia’ actress, “Sobrang nakatutok ‘yung mga tao dito and thankfully ang Aurora province ay isa sa mga probinsya na wala pang record ng COVID-19. Parang pinapakita lang noon na talagang ‘yung LGU ng Aurora o ng Baler ay talagang ginagawa ‘yung lahat ng makakaya nila para ma-prevent ‘yung pagpasok ng virus o ng kahit na anong sakit dito.”
Ngayon ay kasalukuyang tumutuloy sila sa property nila na tinawag niyang ‘Casa Galura.’