Sinisigurado naman ng mga komedyanteng sina Betong Sumaya at Ate Gay na walang malulungkot sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic.
Tuloy pa rin ang paghahatid ng good vibes ang dalawa sa kanilang mga social media accounts kahit na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang bansa.
Sa eksklusibong panayam nila sa 24 Oras, pinahatid nina Betong at Ate Gay ang importansya ng pagpapasaya ng kapwa lalo pa at may mabigat na kinakaharap ang buong mundo.
Patok na patok kasi sa netizens ang mga kuwela at nakakatawang paandar nila.
“Kumbaga, ito lang ang ambag ko para sa ating mga frontliner, mga tao sa bahay na nababagot,” ani ni Ate Gay.
Ginaganahan din daw siya sa mga positibong komento ng netizens sa kanyang videos.
Para naman kay Centerstage host Betong Sumaya, isa ang pagpapatawa sa mga tulong na kaya niyang ipinapaabot lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nag-aalala sa kanilang mga naiwang pamilya sa Pilipinas, “Alam ko na hindi solusyon na palagi mo silang patatawanin pero malaking bagay din na kahit papano nada-divert mo ‘yung problema nila.” Upang mas lumaganap ang good vibes, inilabas ng GMA Music ang novelty song ni Betong na “Nang Minahal Mo ang Mahal Ko.”