Emosyonal na nagpasalamat sa frontliners na naglilingkod sa bayan para labanan ang COVID-19 ang Wowowin host na si Willie Revillame. Saludo si Willie at ang programang Wowowin sa lahat ng frontliners na patuloy na naglilingkod sa gitna ng krisis na ating hinaharap. Ramdam daw niya ang sakripisyong kanilang pinagdadaanan para lamang maghatid ng Serbisyong Totoo sa bayan.
“Ang hirap po talaga ng pinagdadaanan nating lahat. Hindi lang po dito ‘yan sa Pilipinas, buong mundo po ‘yan. Kung makikita niyo ho lahat ‘yan, sana po ay makinig na tayo. Tatagal at tatagal pa ho ‘yan. Isipin niyo ho kung gaano ho ‘yung ginagawa nung frontliners natin,” panawagan din ng Wowowin host.
Mensahe ni Willie, “Sa mga dakilang frontliners, sa mga doktor, nurses, sa lahat po ng nagsisilbi sa ospital, sa lahat ng sundalo, pulis na nandyan sa lansangan, iniiwan ang pamilya para lang ho mapagsilbihan ang lahat ng mga Pilipino, saludo kami sa inyo. Maraming salamat po sa inyo.”