Isang original composition ang handog ni The Clash 2019 grand winner Jeremiah Tiangco sa frontliners at mga Pilipino ngayong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ang kantang isinulat ni Jeremiah na pinamagatang ‘Saludo’ ay alay raw niya sa mga apektado ng lumalaganap na sakit upang magbigay ng pag-asa at inspirasyon sa kabila ng matinding pagsubok na kinakaharap.
Sa kanyang Instagram, binahagi ng Kapuso singer ang music video para sa kantang ‘Saludo’ kalakip ang mga larawan ng mga magigiting na frontliners at kababayan na isinasantabi ang kanilang kaligtasan para sa ikabubuti ng nakararami.
Dagdag pa ni Jeremiah, “To all Filipinos and frontliners out there, sama-sama nating malalampasan ito. Saludo ako sa inyo!”
Bukod kay Jeremiah, may handog din na kanta para sa frontliners ang kapwa The Clash alumnus nitong si Garrett Bolden na pinamagatang ‘Soldiers in White’ na isinulat ni Lolito Go.
Samantala, bukas pa rin ang online auditions para sa ikatlong season ng The Clash hanggang June 28, 2020. Pumunta lang sa official website ng GMA o sa Facebook Messenger ng The Clash.