Ang bilis nga naman talaga ng panahon dahil akalain mong tatlong taon na pala mula nang nailunsad ang paborito nating ‘radyo na, TV pa!’ o ang Dobol B sa News TV. Una nating napanood ang pagsasanib-pwersa ng AM radio station na Super Radyo DZBB at GMA News TV noong April 24, 2017.
Simula nga noong ilunsad ito, palaki rin nang palaki ang tagumpay nito at talaga nga namang lalo itong tinatangkilik ng mga manonood dahil sa husay ng mga anchor at reporter nito. Nakakaaliw rin talaga ang mga segment nito tulad ng ‘Jeng-Jeng’, ‘Balitawit’, at ‘SINO?.’ Kung noong una, apat na oras lang mula Lunes hanggang Biyernes napapanood sa TV ang radio shows ng DZBB, naging araw-araw na ito at na-extend mula 6am hanggang 12nn.
At ngayon, mas lalo pang pinahaba ang oras ng Dobol B sa News TV dahil nga pinakamahalaga ngayon ang paghahatid ng balita at updates tungkol sa sitwasyon ng bansa dulot ng COVID-19. Araw-araw mula alas-sais ng umaga hanggang mag-24 Oras na mapapanood ang Dobol B sa News TV kung saan malaking porsyento ng programming nila ang kanilang Bantay COVID-19 Special Coverage. Kaya naman gaya ng mga medical frontliner, saludo rin kami sa dedikasyon ng mga tagapagbalita dahil matindi rin ng sakripisyong ginagawa nila. At kahit doble nga ang challenge para sa kanila ngayon, worth the celebration pa rin talaga ang anibersaryo ng Dobol B sa News TV. Happy 3rd anniversary po sa inyo and more power!