Pinabulaanan ng GMA News and Public Affairs ang kumakalat na fake news na si Jessica Soho ang nasa audio clip na pinagpapasa-pasahan ngayon sa social media at chat groups.
Sa nasabing audio clip, maririnig ang isang babaeng nagbibigay babala sa mga tao ukol sa mga susunod na mangyayari kaugnay sa ipinatutupad na quarantine dahil sa COVID-19.
Mariing nilinaw ng GMA News and Public Affairs sa post sa official page nila na walang anumang pahayag na binibitawan si Jessica.
Hinihikayat ng GMA News and Public Affairs ang publiko na huwag maniwala rito at iwasan din ang pag-share ng nasabing audio clip upang hindi na ito magdulot pa ng pagkalito.
Sa panahon nga ngayon na kailangang updated sa mga balita at impormasyon, mas lalong nararapat na maging responsible tayo. ‘Think before you click,’ ika nga, mga Kapuso!