Lingid sa kaalaman ng ilan, bukod sa kanyang husay sa pag-arte ay may tinatago ring talento si Kapuso leading man Tom Rodriguez pagdating sa pagguhit.
Ang kanyang hilig at galing sa pagdo-drawing ngayon ang ginagamit ni Tom upang makatulong sa mga apektado ng lumalaganap na sakit na COVID-19. Nag-volunteer kasi si Tom sa ‘Guhit Pantawid: Portraits for a Cause’ na isang initiative mula sa mga artists upang makalikom ng pondo at donasyon para sa mga jeepney drivers, street vendors, at construction workers na naapektuhan ang pangkabuhayan dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa bansa.
Matapos mag-donate (₱500 per head), kailangan mo lang mag-sumite ng iyong donation slip at larawan na nais mong ipaguhit sa kanila.
Sa kanyang Instagram post ay ibinida ni Tom ang sample nitong portrait ng girlfriend na si Carla Abellana.
Agad namang nahikayat ang followers ng Kapuso actor na magpaguhit sa kanya lalo pa at may mabuting mapupuntahan ang kikitain ng kanilang donasyon, “I want a portrait of @carlaangeline with your signature on it, posible ba yun @akosimangtomas?”
Samantala, hindi muna mapapanood sina Carla at Tom sa pinagbibidahang GMA series na Love of my Life dahil tigil muna sa taping. Sa halip, pansamantala itong pinalitan ng My Husband’s Lover sa timeslot nito pagkatapos ng Meant To Be sa GMA Telebabad.