in

Taal evacuees, nakaramdam ng pagkalinga sa tulong ng ABS-CBN

Buong Pilipinas ang nagulat sa biglaang pagputok ng Bulkang Taal na nagdulot ng matinding ash fall sa mga probinsya tulad ng Batangas at Cavite. Sa kabila ng pinagdadaanang pagsubok, nakadama ng kalinga ang daan-daang pamilyang kinailangang ilikas sa pagdating ng tulong mula sa ating mga kababayan.

Ayon sa Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation, noong Enero 16 (Huwebes), umabot na sa 7,078 na pamilya o 35,390 na mga indibidwal na ang nakatanggap ng relief packs. Samantala, 3,603 katao naman ang nahainan ng mainit na sopas mula sa kanilang soup kitchen, at 463 indibidwal ang binigyang ng psychological first aid.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang paglilibot nila sa iba’t ibang evacuation centers para tugunan ang pangangailangan ng mga bakwit.

Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong si Francisca Villanueva. Kwento niya, bitbit ang kaunting kagamitan, dali-dali siya at kanyang pamilya na lumikas sa evacuation center.

“Baka nga po wala na kaming babalikan doon sa bahay namin. Hindi ko alam paano magsisimula,” ani Francisca sa isang panayam sa “TV Patrol.”

Hindi pa tiyak ang hinaharap ni Francisca at ibang mga pamilyang lumikas, ngunit isa sa nagbibigay sa kanila ng pag-asa ang patuloy na pagdating ng tulong para sa kanila.

Sa kanyang pagsama sa pamamahagi ng tulong, nasaksihan mismo ng “G Diaries” host at Bantay Bata 163 executive director na si Ernie Lopez ang bayanihan ng mga Pilipino sa ganitong panahon ng pagsubok.

“Bukal sa loob ng mga tao na buksan ang kanilang puso, mag-abot ng tulong mula sa kanilang bulsa, at magbahagi ng anuman para sa kanilang kapwa. ‘Yun ang nakakatuwa sa Pinoy,” sabi niya.

Walang pagod ang Sagip Kapamilya sa pag-alalay sa mga Pilipinong sinasalanta ng kalamidad. Tulad sa Taal, agad ding naiabot ng grupo ang tulong para sa mga naapektuhan ng bagyong Tisoy at Ursula sa Visayas at Davao kamakailan lang.

Tumatanggap pa rin ang ABS-CBN Foundation ng in-kind at cash donations para sa mga bakwit. Para sa karagdagang detalye, i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook.

Tutukan ang mga balita sa pagsabog ng Bulkang Taal sa special coverage ng ABS-CBN News sa ABS-CBN, ANC, DZMM, news.abs-cbn.com, patrol.ph at ABS-CBN News App. Para sa ibang news at update, i-follow ang ABS-CBN PR (@abscbnpr) sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

‘Block Z’ promotions, apektado kina Joshua Garcia at Julia Barretto

Barbie Forteza, matapang na haharapin muli si Coco Martin sa primetime