Nagbabalik na muli si Kuya Robi at ang masayang barkada ng “MathDali” kasama sina Kuya Igi (Igi Boy Flores), Kuya Vic (Vic Robinson), at Ate Joj at Ate Jai (Joj at Jai Agpangan) sa kanilang Math adventures na talagang bubuhay sa umaga ng mga batang Kapamilya.
Ang “MathDali” ay isang programa na alinsunod sa K-12 curriculum ng Department of Education at base sa mga konsepto tulad ng Mathematical Mindset at Growth Mindset. Pinatutunayan ng “MathDali” na hindi mahirap ang Math basta’t may sipag lang at tiyaga.
Sinimulan ng KCFI ang “MathDali” noong 2016 gamit ang kaalaman sa edukasyon sa Pilipinas sa mga nagdaang taon. Layunin ng “MathDali” na ituro hindi lamang ang pag-solve ng Math problems, kundi hasain na rin ang pag-iisip ng kabataan kapag may hinaharap na suliranin, pagkamalikhain, at hikayatin silang maging bukas sa pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa ibang tao, kung kailangan. Napatunayan ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018 na higit na kinakailangan ng mga mag-aaral na kabataang Pilipino ang mga ito para kayaning makipagsabayano mas mahigitan pa ang ibang mga nangungunang bansa.
“Huwag tayong matakot sa Math. Kasi sobrang essential nito sa buhay natin. Dito tayo pwedeng matuto ng mga certain values na maia-apply natin sa buhay natin. Hindi lang ‘to about numbers and how to solve problems. Tinuturuan kang mas maging determined, mas maging patient, at mas madiskarte,” ayon kay Vic Robinson, isa sa hosts ng programa.
Sa madalas na panonood ng “MathDali,” mas malaki ang posibilidad na mas maintindihan at matutunan ng kabataang Pilipino ang praktikal na aplikasyon ng mga konsepto ng Math, maging mga iskor nila sa mga test.
Mapapanood ang bagong season ng “MathDali” 9:15am kada Linggo sa ABS-CBN at 10:00am-10:30am at 1:30pm-2:00pm araw-araw sa Knowledge Channel sa SKY Cable, SKY Direct, at ABS-CBN TV Plus.
Ang “MathDali” ay isang production ng Knowledge Channel Foundation at ABS-CBN Corporation, kasama ang ABS-CBN Foundation Inc. at certified child-friendly ng 2019 AnakTV Seal Awards.
Para sa karagdagang impormasyon sa KCFI, pumunta lamang sa www.knowledgechannel.org o i-follow ang @kchonline sa Twitter at @knowledgechannel sa Facebook.