Sinalubong ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang 2020 na puno ng pag-asa habang ibinahagi nito ang napakaraming proyekto para sa bagong taon. Mga incentive program, film lab, film festival, at film development support program ang kabilang sa mga proyekto ng FDCP na pakaaabangan ng mga filmmaker at manonoood. Ang diwa ng pag-asa ay nag-uumapaw kahit na nakapagdesisyon na ang Korte Suprema tungkol sa mga incentive ng FDCP mula sa pangongolekta ng amusement tax na binibigay sa mga graded film.
Ang mga pelikulang Pilipinong may gradong A o B mula sa Cinema Evaluation Board (CEB) ay hindi na makatatanggap ng mga amusement tax privilege mula sa FDCP, nang dahil sa paglabas ng hatol ng Korte Suprema noong Disyembre 10, 2019 patungkol sa pagkolekta ng FDCP ng mga amusement tax. Ang hatol na ito ay pagkumpirma sa desisyon ng Mataas na Hukuman noong 2015 at nagsilbing wakas sa isang dekadang pagtatalo patungkol sa mga amusement tax incentive na binibigay sa mga pelikulang may grado mula sa CEB.
Bagama’t hindi na matutulungan at masusuportahan ng FDCP ang mga Filipino filmmaker sa pamamagitan ng pagbibigay ng monetary incentive mula sa mga amusement tax na nakolekta, ipinapangako ng FDCP na ipagpapatuloy nito ang iba pang mga makabuluhang programa para sa ikabubuti at ikauunlad ng Pelikulang Pilipino.
Inilunsad ng FDCP ang FilmPhilippines, isang film incentive campaign para hikayatin ang mga international film production na magtrabaho sa Pilipinas. Makatutulong ang FilmPhilippines sa pagpapaunlad ng industriya ng Pelikulang Pilipino at turismo. Sinimulan ng FDCP ang 2020 sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga aplikasyon para sa Film Location Incentive Program (FLIP) at International Co-Production Fund (ICOF).
Ibinunyag ng FDCP na sa lalong madaling panahon, makikipagtulungan ito sa mga mambabatas ng bansa para sa iminumungkahi nitong film fund at incentive program na siyang papalit sa pagbibigay ng incentive mula sa mga amusement tax upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng suporta para sa mga Filipino filmmaker.
Ipagpapatuloy din ng FDCP ang mga mahalagang programa nito katulad ng International Film Studies Assistance Program (IFSAP), FDCP Film School, First Cut International Lab at mga region-centric film lab tulad ng SOVOLAB, Visayan Visions, at Luzon Panorama upang makapagbigay ng Film Development Support; Philippine Embassies Assistance Program (PEAP), Film Cultural Exchange Program (FCEP), at International Film Festival Assistance Program (IFFAP) na may layuning ipalaganap ang Pelikulang Pilipino sa ibang bansa; Sinesaysay Documentary Lab and Showcase, CineMarya Women’s Short Film Festival, SineKabataan, at PlayLab Animation Lab para gawing mainstream ang mga alternative form at format ng audiovisual content; ang CineLokal program, International Distribution Initiatives, Festival Partnership Program, at Pista ng Pelikulang Pilipino na tumutulong sa distribution at exhibition ng mga pelikula; ang Film Industry Conference at FDCP Project Market para suportahan ang pagpapaunlad ng industriya ng pelikula; at ang patuloy na pagdiriwang ng Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino.
Noong nakaraang buwan, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), natanggap ng FDCP ang Resolution of the Supreme Court En Banc na idineklarang “invalid and unconstitutional” ang pagkolekta ng mga amusement tax ng FDCP para sa Cinema Evaluation System nito sa ilalim ng Republic Act 9167 (RA 9167).
Ayon sa Resolution, tinanggihan “with finality” ng Korte Suprema ang Motion for Reconsideration ng FDCP at nanindigan ito sa dati nitong Decision noong Hunyo 16, 2015 kung saan idineklara ang Section 13 at Section 14 ng RA 9167 bilang “violation of the principle of local fiscal autonomy since it authorized FDCP to earmark, and hence, effectively confiscate the amusement taxes which should have otherwise inured to the benefit of the local government units (LGUs).”
Nang dahil sa Section 13, ibinibigay ang mga amusement tax reward sa mga producer ng Graded A at B na pelikula, habang pinahihintulutan ng Section 14 ang FDCP na mangolekta ng mga amusement tax para sa mga pelikulang may grado mula sa mga sinehan sa Metro Manila at mga highly urbanized at independent component na lungsod. Ang Grade A na pelikula ay tumatanggap ng 100% ng mga amusement tax na nakolekta sa nasabing pelikula at ang Grade B na pelikula ay nabibigyan ng 65% ng mga amusement tax na nakolekta sa nasabing pelikula habang ang natitirang 35% ay napupunta sa pondo ng FDCP.
Nilinaw ng FDCP na hindi na ito makapagbibigay ng mga amusement tax privilege sa mga graded film pagkatapos ng Disyembre 10, 2019. Subalit, itutuloy ng FDCP ang pakikipag-usap sa mga sinehan para sa koleksyon ng mga amusement tax para sa mga pelikulang nabigyan ng grado bago nilabas ang Resolution. Sinisiguro ng FDCP na ang mga monetary incentive mula sa mga amusement tax ay mabibigay sa mga producer na nag-apply bago ang finality ng Decision.
Hindi man ito ang inaasahang desisyon ng FDCP bilang pambansang konseho para sa pagpapaunlad ng Pelikulang Pilipino, iginagalang ng FDCP ang hatol ng Korte Suprema at susundin ito. Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng mga konsultasyon ang FDCP para malaman ang mga susunod na hakbang na gagawin nang dahil sa paglabas ng Resolution.
Itinatag ang CEB ng FDCP sa ilalim ng Office of the President, nang dahil sa RA 9167 ng 2002, para suriin at bigyan ng grado ang mga pelikulang ipinapasa sa FDCP para sa quality grading. Importante ang CEB sa incentive at reward system ng FDCP na humihikayat sa mga Filipino producer na gumawa ng mga pelikulang dekalidad.
Ang pagtatalo sa pagkolekta ng FDCP ng mga amusement tax at pagbibigay nito ng mga incentive ay nagsimula sa mga kasong sibil na isinampa sa harap ng Regional Trial Court (RTC), Branch 5, Cebu City noong 2009 ng City of Cebu at SM Prime Holdings, Inc., pati ng Colon Heritage Realty Corporation na operator ng Oriente Group of Theaters sa Cebu. Idineklara ng RTC Branch 5 sa Cebu City ang Section 13 at Section 14 bilang invalid at unconstitutional noong Setyembre 25, 2012. Kinumpirma ito ng Korte Suprema noong Hunyo 16, 2015, at pinanindigan ito ng panghuling paghatol ng Mataas na Hukuman noong Disyembre 10, 2019.