Mga programang makabata ng ABS-CBN, magiging kinatawan ng Pilipinas
Nagwagi ng tatlong parangal para sa ABS-CBN ang “Matanglawin” at Knowledge Channel sa 2019 Sinebata Awards para sa paglikha ng mga programang makabata, maka-pamilya, at kapupulutan ng aral.
Ang tatlong nagwaging programa ng Kapamilya network ang magsisilbing kinatawan ng Pilipinas sa ikatlong Southeast Asia Video Festival for Children (SEAVFC).
Nanalo ang “Matanglawin” para sa episode nitong “United in Love,” kung saan ibinida ang mga kabataang nagpapakita ng malasakit sa mga hayop, sa kalikasan, at sa kapwa nila bata sa kanilang murang edad.
Ginawaran din ang “Kwentong Pambata: Si Bino, Si Buboy, at si Bantay” ng Knowledge Channel na tinuturuan ang mga bata sa tamang pangangalaga sa mga alagang hayop, samantalang pinarangalan naman ang “Kwentong Kartero: Teenage Dream or Nightmare” sa pagtalakay nito sa pag-ibig at pakikipag-relasyon, at pagiging responsable ng mga teenager sa kanilang desisyon at aksyon.
Ginanap nitong Miyerkules (Oktubre 2) sa Manila Prince Hotel ang Sinebata 2019 Awards, na isang pista at kumpetisyon ng mga gumagawa ng mga videong nakatutulong sa kabataan na pinagbuklod ng Anak TV, isang organisasyong naglalayong magkaroon ng mga programang sensitibo sa kalagayan ng mga kabataan at ng pamilya sa telebisyon sa Pilipinas.
Kabilang sa mga dumalo roon sina Knowledge Channel Foundation Inc. president at executive director Rina Lopez-Bautista, “Rated K” anchor Korina Sanchez-Roxas, at Kapamilya artist Toni Gonzaga.
Samantala, binubuo naman ng sampung bansa ang SEAVFC, kung saan binibigyang karangalan ang iba’t ibang programang nagsusulong ng kabutihan para sa kabataan at pamilya sa telebisyon.
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Instagram, at Twitter, o pumunta sa abscbnpr.com