Walang Pasok updates, nasa TVplus na rin
ABS-CBN at PAGASA, Nagtutulungan para maghatid ng weather updates sa manunuod
Hindi na kailangan pa mag-online para lamang makakuha ng real-time updates tungkol sa lagay ng panahon dahil hatid ng ABS-CBN TVplus at state weather bureau PAGASA ang mga impormasyong ito gamit ang INFOplus.
Bagong feature ng TVplus ang INFOplus kung saan matatagpuan ang mahahalagang impormasyon tulad ng weather bulletins sa pamamagitan lang ng pagpindot ng red button sa TVplus remote.
Ayon kay ABS-CBN head of access Charles Lim, patunay ang INFOPlus na mas maraming matutulungan na Pilipino kapag nagsanib-pwersa ang pribadong sektor ang gobyerno.
“For the past 65 years, ang layunin ng ABS-CBN ay magbigay serbisyo sa kapwa Pilipino. Itong INFOplus ay isang patunay ulit na together with you nakakatulong tayo sa kapwa Pilipino,” ani Lim sa mga pinuno ng PAGASA at ibang government agency partners ng TVplus.
Dagdag din ni Lim na mas maraming Pilipino ang maaabot ng impormasyon na hatid ng PAGASA dahil walong milyong TVplus box na ang nasa mga kabahayan at sasakyan.
Bukod sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration), government partner din ng TVplus ang MMDA (Metro Manila Development Authority) para sa traffic updates at ang NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) para sa updates sa mga kalamidad tulad ng lindol, pagbaha, at iba pa.
Hatid naman ng ABS-CBN News ang mga makabuluhang balita kabilang na ang walang pasok annoucements, pati na ang presyo ng mga bilihin sa merkado. Magbibigay naman ng job alerts sa mga naghahanap ng mapapasukang trabaho ang TrabaHanap.
Dagdag din ang INFOplus sa isa pang public service feature ng ABS-CBN TVplus na emergency warning broadcast system (EBWS) na nag-aalerto sa TVplus users kapag may lindol at iba pang mga kalamidad.
Ang ABS-CBN na nagta-transition bilang isang digital company, ang unang media at entertainment company sa bansa na nagpakilala ng DTT o digital terrestrial television sa bansa sa pamamagitan ng ABS-CBN TVplus na inilunsad noong 2015 at nakabenta na ng walong milyong box as of July 2019.