Bagong grand champion na magiging sundalo ng OPM, makikilala na sa Setyembre 28!
Dala-dala ang mga batalyon nila ng pangarap, handa na sa digmaan ng bosesan ang 12 grand finalists ng ikatlong taon ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” sa grand finals o huling tapatan ng kumpetisyon na magaganap sa Setyembre 28 sa Caloocan Sports Complex.
Nakumpleto ang hukbo ng grand finalists matapos magwagi ni Kim Nemenzo sa Final Resbak week, ang huling round bago ang grand finals, kung saan isang linggo niyang matagumpay na pinagharian at pinanghawakan ang pwesto siya sa seat of power.
Gaya ng nakaraang mga taon, week-long din ang himagsikan sa kantahan ng grand finals na magsisimula sa Lunes (Setyembre 23) upang mapangalanan ang pinakabagong “Tawag ng Tanghalan” grand champion – ang bagong sundalo na isusulong ang OPM – sa Sabado (Setyembre 28).
Mula sa orihinal namang 13 grand finalists, magiging isang dosena na lamang ito dahil inanunsyo ng “It’s Showtime” na umatras na sa huling tapatan si Mariko Ledesma ng Luzon.
Iba-iba man ang armas at istilo sa pag-awit ng 12 grand finalists – tatlong pambato mula sa Luzon, tatlo mula sa Visayas, at anim naman mula Mindanao – isa lamang ang magtatagumpay sa matinding “himig-sikan.”
Susugod sa laban ang unang “Tawag ng Tanghalan” record holder o contestant na nakakuha ng sampung sunod-sunod na daily wins na si Elaine Duran ng Agusan del Norte, si Ranillo Enriquez ng Cebu, pati na ang dalawang JM – ang record holder ding si John Mark Saga ng Cavite at si John Michael Dela Cerna ng Davao.
Bitbit din ang pangarap para sa pamilya, walang aatrasang hamon sina Charizze Arnigo ng Surigao Del Norte, Jonas Oñate ng Samar, Violeta Bayawa ng Zamboanga del Norte, at Julius Cawaling ng Cavite.
Gamit ang pambihirang talento, buong tapang ding haharap sa tanghalan sina Shaina Mae Allaga ng Zamboanga del Sur at Rafaello Cañedo ng Davao del Sur, Jermaine Apil ng Laguna, at si Kim, ang final resbaker mula Negros Occidental.
Sa unang dalawang araw (Setyembre 23 at 24), hahatiin sa dalawang grupo ang 12 grand finalists na aawitin ang kanilang homecoming songs. Ang dalawang magtatala ng pinakamalaking combined scores mula sa madlang people votes at hurados’ scores ang aabante sa Sabado, habang tuluyan nang matatanggal sa kumpetisyon ang dalawang may pinakamababang scores.
Sa parehong Miyerkules at Huwebes (Setyembre 25 at 26), gamit ang parehong sistema ng pagkakalkula ng scores, isa ang aabante sa huling tapatan sa Sabado at isa rin ang papauwiin kada araw. Fight songs o mga awiting panlaban ang ipe-perform ng natitirang walong finalists sa Miyerkules, samantalang fast songs naman ang itatampok sa Huwebes.
Ibubuga naman ng apat na remaining grand finalists ang kanilang natitira nilang sandata sa Biyernes (Setyembre 27) gamit ang kanilang “now or never” songs dahil muli, dalawa sa kanila ang tutuloy sa huling tapatan sa Sabado at maaalis ang dalawang may pinakamababang combined scores.
Sa Sabado, sukatan na ng galing at dedikasyon para sa natitirang six grand finalists na aawit ng journey songs para sa unang round. Mula sa anim, tatlo ang tatanghaling Final Three na kakanta ng medley ng mga awitin para sa huling tagisan para maging grand champion. Muli, combined scores mula sa madlang people votes at hurados’ scores and basehan ng pagpili ng mananalo.
Mapapatutok pa ang madlang people sa isang pang linggo ng huling tapatan, kung saan tatanghalin ang pinakabagong “Tawag ng Tanghalan” grand champion na magwawagi ng house and lot, negosyo package, family vacation package, management contract mula ABS-CBN, recording contract sa TNT Records, at P2 milyon.
Sino sa kanila ang matitirang pinakamatibay? Kaninong boses ang maghahari sa “himig-sikan”?
Subaybayan ang pangmalakasang pasiklaban sa kantahan sa huling tapatan ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado (Setyembre 23-28) sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/TawagNgTanghalan o sundan ang @tntabscbn sa Twitter. Para naman mapanood ang episodes ng programa, mag-download ng iWant app (iOs at Andoid) o mag-register sa iwant.ph.