in

Star Magic artists, dinaan sa Tiktok ang paghikayat sa mga Pilipino na magparehistro

Sa nalalapit na deadline ng voter registration sa Setyembre 30, itinodo na ng Star Magic artists ang paghihikayat sa mga Pilipino na magparehistro at bumoto sa Halalan 2022 bilang ambassadors ng kampanya ng Bayan Mo, iPatrol Mo (BMPM) ng ABS-CBN.

Sa TikTok nagbigay ng impormasyon tungkol sa requirements para makapag-rehistro, at kung saan pwedeng magpa-register sina Edward Barber, Anji Salvacion, at Heaven Peralejo.

Idinaan naman ni Pepe Herrera sa isang video sa kanyang social media account ang kung gaano kadali at kabilis magparehistro sa Comelec.


Kabilang sa listahan ng botante sina Janine Berdin, Miles Ocampo, Pepe, Turs Daza, Empress Schuck, Karl Gabriel, Arabella del Rosario, CK Kieron, Zeppi Borromeo, Alora Sasam, Sandino Martin, Nyoy Volante, at Erich Gonzales.

“Minsan iniisip natin, ‘yung isang boto natin hindi nagma-matter, pero kapag pinagsama-sama natin ‘yun lahat, ‘dun natin malalaman kung gaano ka-powerful ‘yung boses natin,” ani Miles sa panayam ng ABS-CBN News.

Nagkaroon din ng “fill out party” ang BMPM kasama ang Kapamilya artists at empleyado, kung saan tinuruan sila ng Comelec tungkol sa tamang proseso sa pagpapa-rehistro.

Layon nilang lahat na hikayatin ang kabataan na magparehistro at bumoto para sa kinabukasan ng bansa. Bisitahin lamang ang social media accounts ng bawat Star Magic voter registration ambassador upang matuto pa tungkol sa kahalagahan ng pagboto.

Para sa karagdagang detalye, i-follow ang Bayan Mo, iPatrol Mo sa Facebook (@bayanmoipatrolmo), Instagram (@bayanmoipatrolmo), at Twitter (@bayanmo). Para sa ibang balita, i-follow ang ABS-CBNPR sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram (@abscbnpr) o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.