in

Klarisse de Guzman, pinaiyak si Sharon Cuneta sa ‘Your Face Sounds Familiar Season 3’

Muling nanaig ang husay sa pagkanta at panggagaya ni Klarisse de Guzman na tinanghal na weekly winner sa ika-siyam na linggo ng “Your Face Sounds Familiar Season 3.”

Puno ng emosyon ang episodes nung weekend, kung saan hindi matigil ang luha ng juror na si Sharon Cuneta habang pinanonood ang transformation ng “Soul Diva” bilang Megastar.

“Ang ganda-ganda kasi ng letra, ang galing ng pagkakasulat. That was written by Willy Cruz,” pagbibigay pugay ni Sharon sa talento sa likod ng kanta niyang “Sana’y Wala Nang Wakas.”

Tumanggap si Klarisse ng 26 puntos na siyang pinakamataas sa linggong ito. Pinuri rin siya ng Megastar na nagsabing isa siya sa pinakamagaling umawit sa industriya.

“Hindi ko alam kung mayroon kang hindi kayang gawin. Pagaling ka ng pagaling. Like I said before, fan na fan mo na ako kasi talagang dito nakita lalo ‘yung capabilities mo. Thank you for doing me as I would do myself. Maybe even better.”

Aminado naman si Klarisse na kinabahan siyang gayahin at mag-perform sa harap ng isa sa kanyang mga idolo.

“Sobrang fan po ako ni Ms. Sharon lahat ng movies niya napanood ko…Sa pagkanta parang first time ko po siya ma-impersonate. So ang hirap akala ko kasi madali relaxed kasi masarap pakinggan si Ms. Sharon but pag kinanta mo siya iba, ang hirap nung technique.”

Ikatlong panalo na ito ngayong season ni Klarisse, na nag-uwi rin ng tropeo at P50,000 na weekly prize bilang Minnie Riperton at Jaya ilang linggo na ang nakararaan. Sunod niyang gagayahin ang rakistang si Ann Wilson ng bandang Heart.

Sigurado namang babawi ang mga kapwa niya celebrity performer. Si Christian Bables ang gaganap bilang Mike Hanopol, si CJ Navato si Michael Bolton, at 98 Degrees naman ang gagayahin ng iDolls. Kaabang-abang din ang pagta-transform nina Lie Reposposa at Vivoree Esclito bilang Imelda Papin at Avril Lavigne.

Bukod kay Mega at Klarisse, naging emosyonal din ang iba tulad nina Christian at CJ matapos magpatunay sina Ogie Alcasid at Gary Valenciano sa kakayahan nila bilang mga artist. Maganda rin ang komento sa ipinakita nina Lie at Vivoree, habang sina Matty, Enzo, at Lucas naman ay nakapagpasalamat sa pagkakaibigang nabuo nila sa iDolls.

Tulad ng dati, mayroon pa ring mga kwelang tagpo tulad ng pagpapakitang-gilas ni “Bansot Mi,” isang bagong karakter mula kay Ogie, at ang mga makukulit na hamon mula sa host na si Luis Manzano.

Abangan sila muli sa “Your Face Sounds Familiar Season 3” tuwing Sabado ng 8 pm at Linggo 7:30 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at iWantTFC. Panoorin din ang “KaFamiliar Online Live” show nina Darren Espanto at AC Bonifacio sa Kapamilya Online Live tuwing commercial breaks.

Para sa nakaraang perfomances pumunta sa official YouTube channel ng “Your Face Sounds Familiar” o sa iWantTFC. I-follow ang @YourFacePH para sa updates sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Julie Anne San Jose, magpapa-indak sa panibagong single

Online auditions para sa ‘The Clash Season 4,’ nagsimula na!